WebClick Tracer

VP Sara nagbigay-pugay sa mga guro kasabay ng pamamaalam bilang DepEd secretary

Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte ang mga guro sa bansa sa kanyang huling mensahe bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ngayong hapon, Hunyo 19.

Kasabay ito ng pag-alala ng Bise Presidente sa mga programang naisakatuparan ng ahensya sa ilalim ng kanyang pamumuno ng dalawang taon.

Aniya, hindi ito mapagtatagumpayan kung hindi dahil sa mga taong sumuporta at tumulong sa kanya na kanya ring pinasalamatan sa talumpati.

Hindi rin umano matutumbasan ng kahit anong salita ang serbisyong ibinibigay ng mga guro.

“Salamat sa suporta, salamat sa pagiging matatag. The nation will forever be in your debts. Sa dalawang taon nating pagsasama, ang kuwentong nabuo natin ay kuwento ng kapit-bisig na pagtaguyod sa adhikaing maitatag ang isang bansang makabata at batang makabansa,” wika niya.

Hindi na nagbigay pa ng paliwanag ang Bise Presidente hinggil sa kanyang pagbibitiw sa puwesto pero ayon dito, hindi ito dahil sa kahinaan kundi dahil sa kanyang tunay na malasakit para sa mga guro at kabataan.

Sa huli, sinabi nitong bagama’t nagbitiw siya bilang kalihim ng kagawaran, patuloy niyang isusulong ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

“Hindi man ako ang tumatayong kalihim ng edukasyon, mananatili akong isang ina –isang ina na nagmamatyag at titindig para sa kapakanan ng bawat guro at bawat mag-aaral sa Pilipinas para sa isang matatag na Pilipinas,” aniya. (Andrea Salve)

TELETABLOID

Follow Abante News on