WebClick Tracer

Updating sa mga lugar na peligro sa landslides, matinding pagbaha ikinasa na ng Task Force El Nino

Upang makaiwas sa posibleng peligro pagdating ng La Nina, kumilos na ang Task Force El Nino para mag-update sa mga lugar sa bansa na peligro o nasa kategoryang flood at landslide prone areas.

Sinabi ni Presidential Communications Office Assistant Secretary at Task Force El Nino Spokesperson Joey Villarama na hindi inaalis ng Task Force na posibleng madagdagan ang bilang ng mga peligrosong lugar sa landslide at malawakang pagbaha dahil baka nagbago na ang lagay at hitsura ng lupa sa isang komunidad.

Ang Mines and Geosciences Bureau na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kumikilos na ngayon para mag-update sa hazard mapping sa mga komunidad sa tulong ng local government units.

“Puspusan na ang paghahanda ng iba’t ibang government agencies at LGUs bilang paghahanda sa pagdating ng La Nina at mga bagyo nitong mga darating na buwan,” saad ni Villarama.

Bilang tugon ito sa naunang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paghandaan ng maaga ng mga LGU ang pagdating ng La Nina at tukuyin ang mga lugar sa kanilang mga nasasakupan kung alin ang may peligro sa landslide at mga pagbaha.

Sinabi ni Villarama na batay sa record ng Task Force El Nino, umabot sa 3,200 na mga barangay ang may peligro sa bahay at landslide at posibleng nadagdagan na ito.

Binigyang-diin ni Villarama na malaking bentahe kung alam agad ng LGUs kung saan ang mga may banta upang agad na mailikas ang mga mamamayan kapag mayroong malakas at matagal na buhos ng ulan. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on