WebClick Tracer

Tatay binaril ang anak bago nagbaril sa sarili

Muntik nang mauwi sa malagim na trahedya ang problema ng isang pamilya sa bayan ng Sibonga sa Southern Cebu matapos na barilin ng mismong tatay ang anak na babae nitong Lunes gabi.

Matapos ang pagbaril sa anak, nagbaril din sa sarili ang suspek.

Sa kabutihang-palad, kapwa nakaligtas ang mag-ama matapos na sila ay mabilis na maisugod sa ospital ng sumaklolong mga awtoridad.

Ayon sa Sibonga Police, nangyari ang insidente sa isang residential area sa Brgy Lamacan bandang alas-9 ng gabi.

Agad na tumugon ang mga pulis sa report hinggil sa matinding pag-aaway ng mag-ama subalit palapit na sila sa bahay nang marinig ng mga ito ang dalawang magkasunod na putok ng baril.

Natagpuan ng mga pulis ang 52-anyos na tatay at ang kanyang 28-anyos na anak na kapwa may mga tama ng bala.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang mag-ama.

Pumasok umano ang suspek sa kuwarto ng biktima at pinilit nitong patawagan ang kanyang ina at pinapauwi sa bahay matapos na umalis ito ilang araw bago naganap ang insidente.

Napag-alaman din na bago umalis ang ina ay kumuha pa ito ng barangay protection order laban sa suspek.

Nang sinabi ng biktima na ayaw nang bumalik ng kanyang ina, bigla siyang binaril ng suspek gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril, at tinamaan siya sa likurang bahagi ng katawan. (Ylou Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on