WebClick Tracer

Pagrepaso sa kasunduan para sa pagpasok ng PH agri products sa Japan ipagpatuloy—Romualdez

Hiniling ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagpapatuloy ng ginagawang review sa Philippines-Japan Economic Agreement (PJEPA) upang mabawasan kung hindi man tuluyang maaalis ang buwis na ipinapataw sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas sa pagpasok sa Japan.

Ginawa ni Romualdez ang apela sa kanyang pakikipagpulong sa mga mambabatas ng Japan na kasama sa Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society (PJPFS) na ginanap sa parliamentary building sa Tokyo noong Martes.

“We believe that a review of the [PJEPA], especially after the recent trilateral agreements, would show support and solidarity. This request aligns with our past efforts and aims to foster a better and more conducive relationship between our countries,” sabi ni Romualdez.

Ayon kay Romualdez, mula sa 90% ay bumaba sa 78% ang banana market share ng Pilipinas sa Japan.

Nais ng gobyerno na paramihin ang mga produktong agrikultural na na-e-export nito sa Japan.

Sinabi ni Romualdez na sa pagsisimula ng COVID-19 pandemic ay bumaba rin ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Japan ng 12%.

“This decline is not necessarily due to specific circumstances but rather the pandemic and current regional conditions,” sabi ni Romualdez.

Positibo naman ang naging tugon ni PJPFS chairperson Hiroshi Moriyama, isang miyembro ng House of Councilors at dating agriculture minister, sa kahilingan ni Romualdez.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano sa pagbaba ng banana export ng Pilipinas sa Japan.

“We hope that with the general review of PJEPA, we can address the differences in tariffs imposed on bananas, aiming to level the playing field with other countries like Vietnam, which enjoys a zero percent tariff,” sabi ni Garcia-Albano, isang dating kinatawan ng Davao City, na kasama ni Romualdez sa pagpupulong.

Nakasama ni Moriyama sa pagpupulong sina Vice Chairman Shinsuke Okuno, Director General Hirofumi Ryu, Secretary General Taku Otsuka, Deputy Secretary General Yamato Aoyama, and Executive Directors Kuniko Inoguchi, Rui Matsukawa, Kaname Tajima, Hideki Miyauchi, at iba pa.

Bukod kay Garcia-Albano, nakasama naman ni Romualdez sa pulong sina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker David Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon Taas, at iba pang opisyal ng Kamara. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on