WebClick Tracer

Pagbunot ng baril ng civilian police sa truck driver sa Rizal, viral

Viral sa social media na umabot na ng mahigit tatlong milyong views ang insidente ng pagbunot ng baril ng isang rider na lalaki na naka-civilian habang kinokompronta ang isang truck driver.

Sa video na kuha ng truck driver, inihinto ng rider ang kanyang motor sa harapan ng truck at sumugod sa tagiliran ng driver seat hawak ang kanyang baril.

Ayon sa uploader ng video, nangyari ang insidente kahapon, Hunyo 18 sa bahagi ng zigzag road ng Antipolo City, Rizal.

Napag-alaman na isang pa lang pulis ang kalaitan ng truck driver.

Ayon naman sa Rizal Provincial Police Office, inamin ng Morong Police Station na tauhan nila ang pulis na sangkot sa insidente na hindi pa pinapangalanan.

Sa isang Facebook page ng Rizal PNP, hindi umano kinukunsinte ng Morong PNP ang maling gawain sa hanay ng kapulisan.

Inaanyayahan din ng Morong Police ang truck driver na nakaalitan at pinagbunutan ng baril ng pulis na magtungo at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa kaukulang isasampang kaso.

Nagsasagawa rin anila ng patas ng imbestigasyon ang Rizal PNP ayon Kay Public Information Officer PCapt. Christopher Hedreyda. (Darcie de Galicia)

TELETABLOID

Follow Abante News on