WebClick Tracer

National artist award para kay Eddie Garcia hirit sa Kamara

Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes upang isulong ang pagbibigay ng National Artist Award sa pumanaw na aktor na si Eddie Garcia.

Sa House Resolution 1769, hiniling ni AGRI party-list Rep. Wilbert Lee sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) na gawaran ng posthumous award si Garcia.

“As we commemorate the beautiful and meaningful life of Manoy Eddie, it is only fitting that we confer to him the National Artist Award that he truly deserves. Noon pa dapat ito naigawad sa kanya, at hindi na dapat ito pinagdedebatehan pa,” sabi ni Lee na katulad ni Garcia ay “Manoy” ang palayaw sa GMA TV show na “Si Manoy ang Ninong Ko.”

Katulad niya, sinabi ni Lee na si Garcia ay isang Bicolano. Ang pumanaw na aktor ay taga-Sorsogon.

“Institusyon na maituturing si Manoy Eddie sa larangan ng pelikulang Pilipino. Mapa-komedya man, action o drama, serye man sa telebisyon o sa pelikula, bilang aktor at direktor, pambihirang husay, talento, at propesyonalismo ang ipinamalas ni Manoy Eddie,” sabi ni Lee.

“He served as a beacon of Filipino artistry which paved the way for other artists to pursue the arts and craft more stories that could last generations,” dagdag pa nito.

Pumanaw si Garcia noong 2019 matapos magkaroon ng cervical spine injury nang matalisod sa kable sa shooting ng isang teleserye ng GMA 7.

“Dugo’t pawis ang inaalay ng mga artistang Pilipino tulad ni Manoy Eddie para sa kanilang sining. Maliban sa proteksyon sa kanilang trabaho, mahalaga na may karampatang proteksyon para sa kanila at pagkilala sa kasaysayan at kultura ang mga kontribusyon nila sa larangang buong puso nilang minamahal, pinaghuhusay at ipinaglalaban,” sabi pa ni Lee.

“Ang pagbibigay ng nararapat na pagpupugay kay Manoy Eddie ay hindi lang pagkilala sa kanyang husay at obra, kundi magsisilbi ring inspirasyon sa iba pang mga artista sa pagpapabuti ng kanilang propesyon at talento na nagpapakilala sa husay ng mga Pilipino, hindi lang sa bansa, kundi maging sa buong mundo—pagkilala kung saan Winner Tayo Lahat!” dagdag pa ng solon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on