WebClick Tracer

AFP chief kinondena agresibong aksyon ng China sa West PH Sea

Nagsalita na si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Romeo Brawner Jr., hinggil sa ginawang intentional high-speed ramming ng China Coast Guard sa Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Hunyo 17, 2024.

Ito ay kasunod ng pagkumpirma ng AFP na mayroong isang tauhan ng Philippine Navy ang nagtamo ng “severe injury” sa panibagong agresibong aksyon ng China sa inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa inilabas na pahayag ni Brawer kagabi, sinabi nito na walang karapatan o legal na awtoridad ang China Coast Guard na makialam sa mga lehitimong operasyon ng Pilipinas, maging ang pinsalain ang mga asset ng bansa sa loob ng ating exclusive economic zone o EEZ.

Aniya, ang mga gawain na ito ng China ay isang tahasang paglabag sa international maritime law, at maituturing na paglabag sa soberanya ng bansa at nagdudulot ng malaking banta sa katatagan ng buong Indo-Pacific Region.

Muli namang tiniyak ni Brawner na nananatiling nakatuon ang buong Hukbong Sandatahan sa pagtataguyod sa rule of law kasabay ng patuloy na pakikipagtulungan sa international partners ng Pilipinas upang matiyak ang kapayapaan at katatagan sa West Phil Sea at Indo Pacific Region.

Samantala, ngayong umaga ay nakatakdang lumipad si Brawner sa Puerto Prinsesa sa Palawan upang personal na bisitahin at kamustahin ang tropa ng militar na nabiktima ng pangha-harass ng China sa WPS. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on