WebClick Tracer

2 lalaki nanloob, nagnakaw sa bahay ng pulis sa Maynila, arestado

Himas rehas ang dalawang lalaki matapos manloob at magnakaw sa isang bahay ng pulis sa Sampaloc, Maynila.

Naganap ang insidente ng panloloob sa Marzan Street, Barangay 423.

Gumamit ang mga suspek ng martilyo para wasakin ang kandado sa gate at makapasok sa bahay ng pulis.

Natangay ng mga suspek ang dalawang sapatos at basketball short na nagkakahalaga ng P10,000.

Ayon sa pulis na may-ari ng bahay, nasaksihan niya ang ginawang pagnanakaw ng dalawang suspek.

Nakorner ang 18-anyos na suspek ngunit agad na nakatakas ang kasamahan nito.

Hindi na naabutan pa ng pulis ang isang suspek dahil kumaripas ito ng patakbo ng motor.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang pagtakbo ng lalaki sa isang kalye. Makaraan ang ilang saglit, naglakad-lakad na lamang ito sa bahagi naman ng Barangay 422.

Nadakip ang nakatakas na suspek nang magsagawa ng isang follow-up operations ang mga awtoridad.

Depensa ng mga suspek, pantustos sa pamilya ang dahilan kung bakit nila nagawa ang naturang pagnanakaw.

Inamin din ng mga suspek na hindi ito ang unang beses na nagnakaw sila.

Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa Sampaloc Police Station. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on