WebClick Tracer

Suspended Mayor Alice Guo sumulat sa Malacañang, handang makipagtulungan sa imbestigasyon ng PAOCC

Nagpahayag ng kahandaan si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makipagtulungan sa imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCC) kaugnay sa illegal POGO hub operation sa kanyang bayan.

Sumulat si Guo kay Executive Secretary Lucas Bersamin na siyang Chairman ng PAOCC at inihatid ng kanyang mga abogadong sina Atty. Nicole Jamila at Atty.Lorelei Santos at dito ay pinabulaanan ang lahat ng paratang sa kanya ni Senador Risa Hontiveros na isinampa sa Office of the Ombudsman.

Isa-isang sinagot ni Guo sa kanyang liham ang mga paratang sa kanya at itinanggi lahat ang akusasyong may kinalaman siya sa money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na iniuugnay sa kanya sa operasyon ng Baofu Land Development Inc. at POGO operations sa Bamban.

“Ako po ay napilitan na ibigay ang mga kopya na ito upang tugunan ang mga seryoso at walang basehang paratang laban sa akin ukol sa umano’y pagkakasangkot ko sa mga kasong money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na may kaugnayan sa Baofu Land Development Inc. at POGO operations sa Bamban,” nakasaad sa unang bahagi ng liham ni Guo.

Ang mga paratang aniya laban sa kanya ay hindi lamang nakasisira sa kanyang reputasyon kundi pati na rin sa kanyang kakayahan maglingkod ng epektibo bilang alkalde ng Bamban.

Bingyang-diin ni Guo na ang pagiging mayor ng isang bayan ay hindi awtomatikong nangangahulugan na siya ay protector, kasangkot o kasabwat sa lahat ng krimeng nangyayari sa kanyang nasasakupan lalo na aniya kung partisipasyon, pahintulot o kaalaman sa mga ito.

Hiniling ni Guo sa PAOCC na magsagawa ng isang masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga paratang na ipinukol sa kanya ng senado, at nakahanda aniyang makipagtulungan sa ano mang proseso ng imbestigasyon at magbigay ng mga kinakailangang dokumento o testimonya upang malinis ang kanyang pangalan.

“Ako ay magalang at buong pagpapakumbabang humihiling sa kagalang-galang na opisina ng PAOCC na magsagawa ng isang masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga paratang na ito,” dagdag ni Guo. (Aileen Taliping )

TELETABLOID

Follow Abante News on