WebClick Tracer

Mga diskarte ng Chinese para manatili ng matagal sa PH sisilipin sa Kamara

Sisilipin ng Kamara de Representantes ang mga diskarteng ginagamit ng mga Chinese nationals, partikular ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) upang tumagal ang kanilang pananatili sa bansa.

Sinabi ni House Deputy Speaker at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na inatasan siya ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang isulong ang imbestigasyon sa pagdami ng mga Chinese nationals sa bansa gayundin ang legalidad ng kanilang pananatili.

Ayon kay Tulfo mayroong mga Chinese na gumagamit ng retirees visa kahit na bata pa ang mga ito at ang iba naman ay investor visa ang ginagamit kahit sila ay mga empleyado lang.

“Ganon din sa investor’s visa, wala namang milyong-milyong in-invest dito pero may mga investor’s visa. Yung iba, mga trabahante lang ng POGO pero naka-investor’s visa. You see that? They’re just employees,” sabi ni Tulfo.

“Pagkatapos, yung late registration ng birth certificate. Siguro nakita nyo naman yung isang LGU (local government unit) mayor na nagpa-late registration,” dagdag pa nito.

Inihain ni Tulfo ang House Resolution 1771 upang maging pormal ang hiling nitong imbestigasyon.

“So, the Speaker called me up yesterday and he told me kung pupwede, sabi niyang gano’n, na ma-imbestigahan,” sabi ni Tulfo. “Mukhang naabuso, may mga pang-aabuso dito sa pagbibigay ng retiree’s visa, investor’s visa at saka yung late registration.”

Ayon kay Tulfo nakatanggap din ito ng impormasyon na mayroong mga Chinese na nagsampa ng mga maliliit na kaso sa mga Pilipino para hindi sila mapa-deport.

“Marami mga Pilipino nagre-reklamo, may pumunta sa office ko, dinidemanda sila ng mga Chinese national gamit yung mga Filipino lawyers natin. Eh kahit naman alam daw na mahina yung kaso, eh kasi yung Filipino lawyer naman, yung ilan, eh syempre piniperahan din yung mga Chinese nationals. Kaya yun ang naging problema,” sabi ng solon.

“At pag may kaso sila, hindi sila basta-basta ma-deport because meron silang finile na kaso laban sa Filipino citizen. So hindi mo basta-basta pwedeng i-deport ng Bureau of Immigration yun,” dagdag pa nito Tulfo.

Nang tanungin kung pabor ito sa pag-ban sa POGO, sinabi ni Tulfo na ayon sa Philippine Gaming Corp. ay kumikita rito ang gobyerno at ang mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ay ang mga iligal ang operasyon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on