WebClick Tracer

Mga aksyon ng China tunay na hadlang sa kapayapaan, estabilidad sa WPS – Defense chief

Tututulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mapanganib at walang ingat na pagkilos ng China sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr.

Naglabas ng pahayag ang Department of National Defense (DND) kagabi, matapos ang sinabi ng China na iligal na pumasok ang isang resupply ship ng bansa sa kinakamkam nilang Ayungin Shoal dahilan upang gumawa umano ng aksyon ang China Coast Guard.

Malinaw aniya na sa pandaigdigang komunidad na ang mga aksyon ng China ang tunay na hadlang sa kapayapaan at stabilidad sa West Philippine Sea.

Samantala sa hiwalay na pahayag, mariing kinondena ng National Security Council (NSC) at ng National Task Force for the West Philippine Sea ang pinakabagong insidente ng marahas at mapanganib na aksyon ng China

Ayon sa Task Force, sa kabila ng ginawang pagbangga at paghila ng mga barko ng People’s Liberation Army (PLA), China Coast Guard (CCG) at ng Chinese Maritime Militia, ipinakita ng mga Pilipino ang pagiging propesyunal nito at iniwasang palalain ang tensyon

Gayunman, sinabi ng Task Force na inilagay ng China sa balag ng alanganin ang mga Sundalong Pilipino na isang malinaw na paglabag sa United Nations Charter, UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.

Nangako naman ang DND, AFP at NSC na gagawin nila ang lahat para gampanan ang kanilang mandato na protektahan ang teritoryo, soberanya, at karapatan ng Pilipinas. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on