WebClick Tracer

Dumaraming mga barko ng China sa WPS, posibleng mauwi sa malawakang militarisasyon

Posibleng mauwi sa malawakang militarisasyon ang pagdagsa at maraming barko ng China sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni political analyst at Local Government Development Institute Director Dr. Froilan Calilung kasunod ng dumaraming barko ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas na pilit inaangkin ng China.

Ayon kay Calilung, ang pagdagsa ng mga barko ng China sa West Philippine Sea ay pagpapakita ng pwersa ng China na posibleng mauwi sa militarisasyon.

“This is a massive show of force. I think China is really flexing their muscles in the West Philippine Sea and that ultimately this may lead to a massive militarization,” saad ni Calilung.

Batay sa record ng Philippine Coast Guard mula June 4 hanggang June 10 ay nakapagtala ng mahigit 146 Chinese vessels na naglalayag sa West Philippine Sea at paikot-ikot lamang umano sa mga islang pag-aari ng Pilipinas.

Sinabi ni Calilung na ang pagdagsa ng barko sa mga inaangking teritoryo ay upang ipakita ng China hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asia-Pacific region na seryoso silang igiit ang inaakala nilang sa kanila kahit alam naman sa international community na walang basehan ang kanilang paghahabol.

Dahil alam aniya ng China na mahina ang kanilang claim sa West Philippine Sea ay gumagamit na lamang ng pwersa upang makuha ang gusto nila.

Pero sinabi ni Calilung na nakabantay ang ibang mga bansa na sumusuporta sa Pilipinas dahil epektibong nailantad ng gobyerno ang mga ginagawang panggigipit ng China sa pwersa ng Pilipinas. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on