WebClick Tracer

Alice Guo iginiit na inosente, conspiracy theory itinanggi

Pinanindigan ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na inosente siya sa mga akusasyon na ibinabato sa kaniya ng ilang mga senador kaugnay sa natuklasang operasyon ng POGO sa kaniyang bayan.

Ito ang nakasaad sa sulat na ipinadala ni Guo sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado nitong Martes ng umaga.

Ayon sa suspendidong alkalde, walang basehan at walang katotohanan na kaya siya tumakbong alkalde ng Bamban ay upang protektahan ang Baofu Land Development Inc. at upang protektahan ang kaniyang mga negosyo.

“Ikinalulungkot ko na may iba’t ibang conspiracy theory ang lumalabas upang sirain ako subalit wala ni isa sa mga ito ang may matibay na ebidensya bagkus ito ay puro haka-haka lamang,” saad ni Guo.

Binigyang-diin ng suspended mayor na kulang sa mga kinakailangang elemento na magpapatunay na sangkot ito sa human trafficking, kidnapping o money laundering.

Hinamon ni Guo ang mga nag-aakusa sa kaniya na maglabas ng mga konkretong ebidensya at hindi lamang batay sa kuwentong kutsero o haka-haka dahil hindi ito makatarungan at nakasisira sa integridad, opisina at institusyong kaniyang pinaglilingkuran.

“Ang akusasyon ay dapat patunayan gamit ang konkretong ebidensiya at hindi batay sa haka haka lamang,” dagdag ni Guo sa kanyang sulat kay Bersamin. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on