WebClick Tracer

4 pulis ‘guilty’ sa pagpatay sa mag-ama, kulong ng 10 taon

Sampung taong pagkabilanggo ang inihatol ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) sa apat na pulis matapos na mapatunayang guilty sa pagpatay sa isang mag-ama sa kasagsagan ng anti-illegal drugs operation sa lungsod noong 2016.

Batay sa desisyon ni Caloocan City RTC Branch 121 Judge Ma. Rowena Violago Alejandria, guilty sa kasong homicide sina Police Master Sergeant Virgilio Cervantes, Police Corporals Arnel de Guzman, Johnston Alacre at Artemio Saguros.

Matatandaang nabaril at napatay ng mga pulis ang mag-amang sina Luis at Gabriel Bonifacio kasabay ng pagpapatupad ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“It must be worthy to note that the accused themselves did not deny their presence and participation in the police operation conducted, the same event where the victims Luis and Gabriel (Domingo) were killed,” pahayag ni Alejandria.

Pinagbabayad din ng korte ang mga pulis ng tig-P300,000 bilang danyos sa pamilya ng mga biktima.

Iginiit ng pamilya Bonifacio na hindi sangkot ang mag-ama sa iligal na droga at hindi rin nagpaputok ng baril.

Bagama’t self-defense ang alibi ng mga pulis, ibinasura pa rin ito ng korte.

Batay sa opisyal na datos, mahigit 6,000 indibiduwal ang napatay sa police anti-narcotics operations. (Dolly Cabreza)

TELETABLOID

Follow Abante News on