WebClick Tracer

Yamsuan: Totoong kalayaan hindi naaabot hangga’t may nagugutom, kahirapan

Hinamon ni Bicol Saro party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang paghahangad ng tunay na kalayaan upang makalaya ang mga Pilipino sa kagutuman at kahirapan.

“Dahil sa tapang ng ating mga bayani, nakalaya tayo mula sa mga mapang-aping kolonisador. Sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, at iba pang mga bayani ay nag-alay ng kanilang sarili para sa bayan. Pero hindi po dapat doon natatapos ang ating pagpupursigi upang makamit ang tunay na kalayaan,” sabi ni Yamsuan.

Ginawa ni Yamsuan ang pahayag sa kanyang mga kapwa miyembro ng Knights of Columbus sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Parañaque City kamakailan.

“Sa kasalukuyan, patuloy nating hinaharap ang mga pagsubok ng modernong panahon. Kaya gusto ko kayong paalalahanan at hikayatin na tulungan ang ating bayan na makalaya–-makalaya, mula sa gapos ng gutom at kahirapan. Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan at paglilingkod nang may puso ay kayang-kaya natin ito. Gawin po natin ito para sa kinabukasan ng ating bayan at ng ating mga anak,” dagdag pa nito.

Muli ring inulit ni Yamsuan ang panawagan nito na gawing viral ang mabuting pamumuno sa bansa.

Hinamon din ng mambabatas ang mga kabataang Pilipino na maging safe keeper ng yaman at mahalagang araw ng nakalipas at itaguyod ang mas maliwanag na bukas ng bansa.

“Sa ating pagdiriwang ngayong araw at pag-alala sa ating kasaysayan, sana ay alalahanin din natin ang mga aral ng nakaraan. Hindi dapat natatapos ang selebrasyong ito sa ‘pag-alala’ lamang, kundi dapat ay magsilbing isang buhay na prinsipyo ang diwa ng araw na ito sa atin,” giit pa ni Yamsuan. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on