WebClick Tracer

VP Sara binoldyak PNP sa magulong paghahain ng warrant of arrest kay Quiboloy

Hindi nagustuhan ni Vice President Sara Duterte ang magulong paghahain ng warrant of arrest ng Philippine National Police (PNP) kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, hindi dapat nakakalimutan ng PNP na dapat ay naisasaalang-alang ang kaligtasan ng publiko lalo na ng mga kabataan.

Nakikiisa aniya siya sa panawagan ng publiko ng pagkakaroon ng maayos, katanggap-tanggap at makataong pagpapairal ng batas at pagtataguyod ng hustisya sa bansa.

Dagdag pa ni VP Sara, na ang pandarahas sa mamamayan ay paglapastangan sa demokrasya.

Nanawagan din naman ito sa mamamayan na dapat ay maging mahinahon at magkaisa sa pagtataguyod ng katotohanan at hustisya.

“Kaisa ako sa mga nananawagan ng maayos, katanggap-tanggap, at makataong pagpapairal ng batas at pagtataguyod ng hustisya sa ating bansa,” ani Duterte sa isang statement.

“Kasunod ito ng magulong pagpapatupad ng arrest warrant kay Pastor Apollo C. Quiboloy kahapon na sanhi ng kwestyonableng pagpapakita ng labis na pwersa at otoridad sa harap ng mga sibilyan,” dagdag pa niya.

“Sana ay mapanatili natin ang respeto, kaayusan, at kapayapaan sa ating bansa. Maging laging mahinahon din sana ang mga Dabawenyo at ang buong sambayanang Pilipino, at magkaisa ang lahat sa pananalangin para sa katotohanan at hustisya,” patuloy niya. (Just Ignacio)

TELETABLOID

Follow Abante News on