WebClick Tracer

Police major na nangmanyak ng babaeng tauhan nagtatago na

Nagtatago na ang police major na nangmanyak sa kanyang tauhang policewoman sa loob ng Plaridel Municipal Police Station (MPS), ayon kay Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief Police Col. Jean Fajardo.

Ayon kay Fajardo, nakausap niya mismo ang hepe ng Plaridel MPS at sinabi nito sa kanya na mula nang maganap ang pangyayari nitong Hunyo 7 ay hindi na nagpakita pa ang suspek.

Dahil dito ay pinadalhan na ang suspek na police major ng return to work order at kung hindi ito magpapakita sa loob ng tatlong araw ay idedeklara na itong absent without official leave o AWOL.

Samantala, maliban sa kasong kriminal na sexual harassment ay sasampahan din ng kasong administratibo ang suspek at kung mapapatunayan sa imbestigasyon na siya ay nagkasala ay maari itong masibak sa serbisyo bilang pulis.

Matatandaang Hunyo 7 ng madaling-araw nang pasukin ng police major ang kanyang tauhan na natutulog sa opisina sa Plaridel MPS at doon ay yakapin, paghahalikan at hawakan pa ang maseselang bahagi ng katawan nito. (Edwin Balasa)

TELETABLOID

Follow Abante News on