WebClick Tracer

Davao prosecutor binaril, tigok

Patay ang isang 54-anyos na babaeng prosecutor habang nagmamaneho pauwi noong Lunes sa Digos City, Davao del Sur.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Digos City Police Station, sakay ng kanyang pickup truck ang biktima na kinilalang si Eleanor Dela Peña nang mangyari ang pamamaril.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Arestado naman ng Digos City Police ang suspek na 56-anyos na lalaki na kapatid sa ama ni Dela Peña.

Nakilala ang suspek matapos magbigay ng pahayag ang anak ng biktima batay sa kuha ng CCTV sa lugar.

Narekober sa suspek ang 10 12-gauge shotgun shell, 27 5.56mm live rounds, isang M16 rifle magazine, at isang helmet at jacket na ginamit umano sa krimen.

Tinitingnan ng pulisya ang away sa lupa bilang posibleng motibo sa pagpatay.

Samantala, kinondena ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang insidente at nangako ng hustisya para kay Dela Pena.

Sinabi ng Justice chief na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation sa krimen at gumawa ng agarang aksyon para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga abogado.

Matatandaan na nagsilbi ang biktima bilang assistant provincial prosecutor sa Office of the Provincial Prosecutor sa Davao Occidental. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on