WebClick Tracer

Chinese army uniform natagpuan sa Porac scam farm? Pampanga Police chief sinibak

Pinaniniwalaang mga piraso ng Chinese military uniform ang nadiskubre ng searching team sa nagpapatuloy na paghahalughog at pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa mga istraktura sa loob ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga nitong Martes ng umaga, Hunyo 11.

Sa isang kuwarto sa 3rd floor sa Building 11, tumambad sa searching team ang mga pinaniniwalaang uniporme ng militar ng China na nakitang may mga butones pa na may mga inisyal na “P.L.A.”, na ayon sa mga awtoridad na maaaring tumutukoy sa People’s Liberation Army, ang armadong organisasyon ng Chinese Communist Party (CCP) at ang pangunahing puwersang militar ng People’s Republic of China.

Pero hindi pa ito opisyal na makumpirma ng PNP.

Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, sa ngayon aniya ay premature pa na mag-conclude kung mga Chinese military uniform ang natagpuan dahil wala pa aniyang sapat katibayan at magsasagawa pa ang mga awtoridad ng research para ikumpara ang mga ito sa mga unipormeng ginagamit ng military ng ibang bansa.

Bukod sa mga reklamong scamming, kidnapping at human trafficking, ginagamit umano sa iba’t iba pang krimen ang mga pasilidad sa loob ng 10 ektartang compound tulad ng sex trafficking at torture.

Samantala, ngayong araw din ng Martes, sinibak sa puwesto ang hepe ng Pampanga Provincial Police Office na si P/Col. Levi Hope Basilio habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Ayon kay Fajardo, nagdesisyon ang Regional Director ng PRO3 na si PBGen. Kose Hidalgo Jr. na alisin muna sa puwesto si Basilio para bigyang-daan ang ginagawang imbestigasyon.

Matatandaang una nang sinibak sa puwesto ang hepe Porac Municipal Police Station na ayon kay Fajardo ay para mabura ang anumang isipin ng publiko na magkakaroon ng pagtatakip sa ginagawang imbestigasyon.

Tintingnan din ng PNP kung nagkaroon ng kapabayaan ang lokal na pulisya sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang area.

Iniimbestigahan din kung bakit hindi kaagad na-detect ng Porac Police ang presensiya ng sinasabing “scam farm” doon sa kanilang AOR samantalang tinitingan naman kung nagkaroon ng failure of supervision ang provincial director.

Pansamantalang ipinalit bilang director ng Pampanga Police ang Deputy Provincial Director for Administration ng Pampanga PPO na si PLTCOL Maylanie Castillo. (Ylou Dagos)

TELETABLOID

Follow Abante News on