WebClick Tracer

Buntis, bagong panganak na sanggol isasama sa 4Ps

Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang sakop ng benepisyong ibinibigay sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at isama ang mga buntis at nagpapasusong ina upang masiguro ang kalusugan ng mga sanggol sa unang 1,000 araw.

Ito ang direktiba ng Pangulo sa ipinatawag na sectoral meeting sa Malacañang nitong Martes kung saan kapwa dumalo ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa ginanap na pulong ay inaprubahan ng Pangulo ang mungkahi ng DSWD para sa cash grant sa mga buntis at nagpapasusong ina upang matugunan ang pangkalusugang pangangailangan ng mga sanggol sa loob ng 1,000 araw.

Inatasan ng Pangulo ang DSWD at NEDA na alamin ang pinal na bilang ng mga dapat mabigyan ng ayuda upang magawa ang mga kinakailangang adjustments sa pondo.

“Okay, yes, let’s do that. On the first 1,000 days of a child’s life, bring the mother, the family into the system. That’s really good,” anang Pangulo.

Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang isang pamilya ng 4Ps beneficiary ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 kada buwan sa bawat bata sa loob ng 1 buwan, pero nakabatay ito kung masipag pumasok sa paaralan; P500 bawat bata kada buwan sa junior high school at P700 kada buwan sa bawat bata para sa senior high school; P750 per month bawat pamilya, pero dapat sumailalim sa monitoring ang kanilang mga anak na edad 2-14 para sa deworming at kailangang dumalo sa family development sessions. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on