WebClick Tracer

8 pulis kulong sa Kamara

Na-cite in contempt ang walong pulis Quezon matapos tumangging sumagot sa mga tanong ng mga kongresista kaugnay ng kuwestiyunableng raid na kanilang ginawa sa bahay ng isang testigong humarap sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety.

Sa pagdinig ng komite nitong Martes, nagtanong si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sa walong pulis kung pinaninindigan nila ang kanilang posisyon na hindi sumagot sa mga tanong ng mga miyembro ng komite.

“Gusto ko lang tanungin yung walo…. Do you still stand with your position that you will not answer the query of this committee?” tanong ni Paduano.

Ang walong pulis ay isa-isang sumagot ng “yes.”

“I move to cite in contempt those eight PNP personnel in violation of paragraph C of our provision in contempt for refusal to answer relevant questions in this committee Mr. Chairman,” sabi ni Paduano.

Inaprubahan ng chairperson ng komite na si Laguna Rep. Dan Fernandez ang mosyon matapos na walang magpahayag ng pagtutol dito.

Sumunod na mosyon ni Paduano ang pag-utos ng komite sa Office of the Sgt.-At-Arms na ikulong ang walong pulis sa Kamara de Representantes sa loob ng 30 araw. Inaprubahan din ang mosyon matapos na walang tumutol dito.

Ang walong pulis ay inaakusahan na siyang nag-raid sa bahay ni Renelyn Rianzales dalawang araw matapos itong tumestigo sa pagdinig ng komite kaugnay ng mga iregularidad noong 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Sinabi ni Rianzales na pinasok ang kanyang bahay ng walong kalalakihan na nakatakip ang mga mukha, isa sa kanila ay mayroong tattoo, at hinahanap ang isang “Jonathan.”

Ayon kay House Deputy Speaker and Quezon Rep. David Suarez ang raid ay isang pagyurak sa proseso ng lehislatura.

“This tramples upon the very essence of our democracy. This tramples upon the very essence of finding and ferreting out the truth,” sabi ni Suarez. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on