WebClick Tracer

61-anyos na tatay, 41-anyos na nanay sa Pangasinan nakabuo pa ng triplets

Itinuturing ng isang mag-asawa sa Barangay Bega, San Carlos City, Pangasinan na blessing ang pagkakaroon nila ng anak sa kanilang edad at hindi lamang isa kundi tatlo pa ang ibinigay sa kanila.

Kinatutuwaan ngayon ng mga residente sa Barangay Bega ang healthy triplets nina Cecilia Macam, 41, at Romulo Perez, 61.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, ang panganay sa triplets na si Althea ay iyakin.

Playful naman ang ikalawa na isang lalaki na si Altheo habang tahimik ang bunsong si Athena.

Kuwento ni Cecilia, nalaman daw niyang tatlo ang nasa sinapupunan niya noong limang buwan na siyang buntis.

“Hindi ko expect na ganitong tatlo, nabigla ako noong nag-ultrasound siya. Masaya naman ako na lumabas sila, masaya na tatlo ang ibinigay,” wika niya.

Biyudo’t biyuda na sina Romulo at Cecilia nang magkakilala.

May pitong anak si Romulo sa unang asawa habang may anim naman si Cecilia.

Dahil sa pagdating ng kanilang triplets, may 16 na silang anak.

Ang paggawa ng mga bamboo basket ang ikinabubuhay nilang mag-asawa na umaasang lumaking malusog, mabait at may takot sa Diyos ang kanilang mga anak. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on