WebClick Tracer

Doble benepisyo ng dialysis patients pinaplantsa ng PhilHealth

Pinaplantsa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang panukala na doblehin ang subsidy na ibinibigay nito sa mga dialysis patient.

Matapos ang pakikipagpulong kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, sinabi ni PhilHealth Executive Vice President Eli Santos na mayroong plano na itaas ang kasalukuyang P2,600 na subsidiya sa P5,200 upang hindi na kailanganing maglabas ng pera ang mga dialysis patient.

“Pag-aaralan po ng PhilHealth ang pag-increase nito to P5,200. Binigyan po kami ng one month. Ang goal po natin is wala ng out-of-pocket itong dialysis patients,” sabi ni Santos sa isang press briefing matapos ang pagpupulong.

Ayon kay Santos ang pagtataas ng benepisyo ay hindi magreresulta sa pagtaas ng PhilHealth premium rate.

Sinabi ni Tulfo na hindi sapat ang kasalukuyang benepisyo kaya may mga pasyente na humihingi ng tulong sa mga politiko.

“To solve this problem, PhilHealth will double the amount from P2,600 to P5,200 for the dialysis package, so patients won’t have to pay a cash-out amount, especially those who undergo dialysis three times a week,” dagdag pa nito.

Nangako ang PhilHealth na ilabas ang bagong mekanismo para sa mas mataas na benepisyo sa loob ng isang buwan.

“Kakayanin naman raw (in one month),” dagdag pa ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na umapela rin si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa PhilHealth na bigyan ng 10% in-patient hospital bill discount ang lahat ng miyembro nito.

“Maybe we can implement, on the final bill, whether you are confined in a private or public hospital, a 10% discount for all members. If your bill is P100,000, you will only raise P90,000. That is a big help already,” sabi ni Tulfo.

Pag-aaralan umano ng PhilHealth kung saan maaaring manggaling ang pondo para rito. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on