WebClick Tracer

Panukalang amiyenda sa Rice Tariffication Law aprub na ng Kamara

Aprubado na ng Kamara de Representantes ang panukala na mag-aamiyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong tiyakin ang suplay ng bigas sa abot-kayang presyo.

Pumabor sa pagpasa ng House Bill 10381 ang 231 kongresista samantalang tatlo ang tumutol dito at mayroong isang abstention.

Isa sa pangunahing probisyon ng panukala ang pagbibigay ng kapangyarihan muli sa National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko sa panahon ng food security emergency na idedeklara ng National Price Coordinating Council, o Local Price Coordinating Council.

Ang emergency ay maaaring ideklara kung mayroong kakulangan sa suplay ng bigas o kung mayroong patuloy na pagtaas o extra-ordinaryong pagtaas sa presyo ng bigas.

Kasama rin sa panukala ang pangangailangan na magrehistro ang lahat ng mga grain warehouse sa bansa na maaaring inspeksyunin upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa pamantayan upang matiyak ang kalidad at suplay ng bigas.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo rin ang Rice Industry Development Program Management Office na siyang sisilip sa implementasyon ng mga rice program. Ilalagay ito sa ilalim ng Department of Agriculture. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on