WebClick Tracer

Kamara inaprubahan mas malaking discount sa senior citizen, PWD

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala upang mas malaki ang makuhang diskuwento ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) sa kanilang pagbili ng produkto at pagbabayad ng serbisyo.

Walang tumutol sa pag-apruba ng House Bill 10312 sa sesyon ng plenaryo ngayong Martes.

Sa ilalim ng HB 10312, ang ibinibigay na 20% diskwento at Value Added Tax exemption, o special discount sa pagbili ng pangunahing pangangailangan at prime commodity ay ibibigay bukod pa sa promotional offer o discount na ibinibigay ng mga establisyimento.

Ang diskuwento na ibibigay sa senior citizens at PWD ay maaari namang ilagay na deductible expense ng kompanyang nagbigay sa pagkuwenta ng babayaran nitong buwis alinsunod sa National Internal Revenue Code.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, sponsor ng panukala, aalisin ng HB 10312 ang opsyon ng mga kompanya na papiliin ang mga senior citizen at PWD kung ang gusto nilang gamitin ay ang senior/PWD discount o ang promotional discount kung meron.

“Ang ibig pong sabihin nito…na bukod sa 20% discount at exemption sa VAT ng mga senior citizen at PWDS, idadagdag pa ito sa anumang diskwento o special offer ng mga tindahan, restaurant at hotel na maaari namang ikaltas ng mga negosyo sa kanilang babayarang buwis,” dagdag pa ni Tulfo. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on