WebClick Tracer

DSWD: 4.6 milyong Pinoy apektado ng El Niño

Hindi bababa sa 4.6 milyong Pilipino o 1.2 milyong kabahayan sa buong Pilipinas ang naapektuhan ng El Niño phenomenon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa ulat ng DSWD-Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) nitong Martes, Mayo 21, ang mga naapektuhan ay mula sa 6,141 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

May kabuuang P465.61 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang naibigay na sa mga apektadong pamilya na kung saan P424.39 milyon ay mula sa DSWD, P33 milyon mula sa local government units (LGUs), P1.7 milyon mula sa non-government organizations (NGOs), at P6.4 milyon mula sa iba pang mga kasosyo nito.

Ang DSWD ay mayroon pa ring P529.43 milyon na quick response funds na makukuha sa DSWD Central Office, habang P78.49 milyon naman sa DSWD field offices.

Mayroon ding humigit-kumulang 298,000 family food packs na available sa disaster response centers na kung saan 232,000 food packs ang available sa National Resource Operations Center sa Pasay City, at 65,000 food packs sa Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City.

Gayundin, nasa 1.3 milyong food packs ang available sa lahat ng field office ng DSWD.

Matatandaang kinumpirma ng PAGASA ang pagkakaroon ng El Niño noong Hulyo 2023.

Ang hindi pangkaraniwang klima ay nagdulot ng pagbawas sa pag-ulan at mas tuyo-kaysa-karaniwang mga kondisyon, na humantong sa mga dry spells at tagtuyot sa buong bansa. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on