WebClick Tracer

Hindi sumipot sa gentleman’s agreement probe iisyuhan ng show cause order

Inaprubahan ng House Committee on National Defense at Special Committee on West Philippine Sea ang paglalabas ng show cause order laban sa mga resource person na nabigong dumalo sa pagdinig kaugnay ng napaulat na gentleman’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China.

Ang nasabing gentleman’s agreement ay kaugnay umano ng paglimita ng resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Sa pagdinig nitong Lunes, naghain ng mosyon si Antipolo City Rep. Romeo Acop upang maglabas ang komite ng show cause order laban sa mga inimibita pero hindi dumalo.

“In the spirit of consistency in following our protocols, may I move that those who have been invited and did not come here and provided no valid excuse, be issued a show cause order to explain their absence in today’s hearing,” sabi ni Acop.

Matapos na walang tumutol, inaprubahan ni National Defense committee Vice chairperson Raul Tupas, ang presiding officer ng pagdinig, ang mosyon.

Inimbita sa pagdinig sina dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea subalit hindi nakadalo sa pagdinig.

Sinabi ni Tupas na nagpadala ng kinatawan at sulat si Medialdea na nagsabi na mayroon itong prior commitment bago dumating ang imbitasyon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on