WebClick Tracer

NPC napipisil sina Abby Binay, Lito Lapid na senatorial bets sa 2025 elections

Napipisil ng Nationalist People’s Coalition (NPC) si Makati Mayor Abigail “Abby” Binay at incumbent Senator Lito Lapid para sa binubuong slate sa pagka-senador ng partido para sa 2025 midterm elections.

Ayon kay NPC party chairman Vicente Sotto III, kinokonisdera nila ang dalawa kasama ang kanyang sarili para sa nalalapit na eleksiyon.

“Definitely, as of now, I know that we are considering at least 3 from the party: myself, Lito Lapid and Abby Binay,” aniya nang tanungin kung ilang miyembro ng NPC ang isasama sa senatorial slate ng administrasyon.

Sa ngayon nasa “90 percent” pa lamang na sigurado si Sotto sa pagtakbong muli para sa Senado.

“I just wanna make sure that I will be capable enough. Mabuti na yung naghahanda. If the preparations are well, then okay,” anang dating Senate President.

“If I do run, I will run with the group of the NPC and the President,” dagdag pa niya.

Samantala, hindi naman nagbigay ng detalye si Binay kung ano ang magiging desisyon niya sa susunod na eleksiyon ngunit sinabi niyang ang asawa niyang si Makati Rep. Luis Campos ang hahalili sa kanya para tumakbo bilang alkalde ng Makati City.

Habang sina Binay, Lapid at Sotto ay kabilang sa mga nangungunang Senatorial pick ng NPC, ang partido ay nakikipag-usap din sa iba pang potensyal na kandidato sa pagkasenador sa midterm polls.

“There are independents that are close to my group like Sen. [Panfilo] Lacson, Sen. [Gringo] Honasan, Manny Pacquiao, Pia Cayetano. We’ve been talking,” ani Sotto.

“We have been talking to each other. The possibilities of us running is there so we will finalize soon siguro,” wika pa niya.

Matatandaan na lumagda ang NPC at Lakas-CMD kamakailan ng mga kasunduan sa alyansa sa Partido Federal ng Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 2025 midterm elections.

Sinabi ni Sotto na hindi pa napag-uusapan ng alyansa kung ilang senatorial candidate ang bawat partido ang papayagang maglagay sa ilalim ng administration slate. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on