WebClick Tracer

Patakaran ng China na paghuli sa mga ‘trespassers’ sa South China Sea, ‘di katanggap-tanggap—PBBM

Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na poprotektahan ang mga Pilipino sa gitna ng paglalabas ng patakaran ng China na pigilan ang mga magte-trespass sa South China Sea.

Sinabi pa ni Marcos na hindi katanggap-tanggap ang naturang patakaran.

Inihayag ito ni Marcos matapos ipag-utos ng Chinese government sa Coast Guard nito na ikukulong ang mga dayuhan ng hanggang 30 araw kung lalabag sila sa exit-entry rules ng China.

Sa isang panayam sa Makati City, sinabi ng Pangulo na hindi katanggap-tanggap ang kamakailang utos ng China.

“That kind of action would be completely unacceptable to the Philippines,” aniya sa panayam nitong Sabado, Mayo 18.

Bagama’t hindi siya nagpahayag ng karagdagang detalye, sinabi ni Marcos na gagawin ng gobyerno ang lahat para protektahan ang mga mangingisdang Pinoy sa gitna ng tumitinding tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.

“I do not talk about the operational details so we will leave it to us. But the position we take is that is unacceptable,” ani Marcos.

“We will take whatever measures to always protect our citizens,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga ulat, pinahintulutan ng China Coast Guard (CCG) ang pagkulong sa mga dayuhang namamalagi sa karagatang sakop ng China, kabilang ang mga nagsasapawan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa loob ng 30 hanggang 60 araw nang walang paglilitis.

Ang bagong patakaran ay naiulat na magkakabisa sa Hunyo.

Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, ilegal ang patakaran ng China dahil hindi nito puwedeng ipatupad ang mga domestic law nito sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on