WebClick Tracer

PBBM to the rescue sa problema sa supply ng tubig sa Cagayan de Oro

Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang penitensiya sa tubig ng maraming mamamayan sa Cagayan de Oro City na nakakaranas ngayon ng kakapusan sa supply.

Sa kanyang pagbisita sa lungsod ngayong Huwebes, sinabi ng Pangulo na namagitan na siya sa isyu at kinausap ang negosyanteng si Manny Pangilinan upang manumbalik ang normal na supply ng tubig sa lungsod habang naghahanapan ng solusyon sa problema.

” Hindi lingid sa aking kaalaman ang suliraning kinakaharap ng lungsod sa supply ng tubig at ito’y balitang-balita. Kayat noong ito ay nalaman ko ay nakipag-usap ho tayo Kay Mr. Manny Pangilinan ng Cagayan de Oro Bulk Water Inc. upang manumbalik ang normal na supply ng tubig habang humahanap tayo ng pangmatagalang solusyon sa problemang ito,” anang Pangulo.

Si Pangilinan ang may-ari ng CDO Bulk Water at mayroong hindi pagkakaintindihan sa Rio Verde Water Consortium na nag-ooperate ng water treatment facility sa tubig na ipinamamahagi ng Cagayan de Oro Water District dahil sa hindi nabayarang P479 P479 P479 million na pagkakautang.

Sinabi ng Presidente na pumayag aniya si Pangilinan sa kanyang pakiusap at handang makipag-usap sa mga lokal na opisyal upang masolusyonan ang problema sa supply ng tubig ng mga mamamayan ng CDO.

Inatasan na rin ni Pangulong Marcos Jr. ang LWUA na pag-aralan ang posibleng pag-take over sa CDO Water District upang masolusyonan ang problema hindi lamang sa supply ng tubig kundi pati na rin sa angkop na presyo para sa mga consumer at supplier.

“Akin ding Inatasan ang Local Water Utilities Administration na pag-aralan ang posibleng pamamahala nito sa Cagayan de Oro Water District upang sa lalong madaling panahon ay mapag-aralan ang solusyon sa sitwasyon ng supply ng tubig dito sa inyong lugar,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na hindi papayagan ng gobyerno na mapagkaitan ang mga taga-Cagayan de Oro ng karapatang magkaroon ng sapat, malinis at ligtas na supply ng tubig.(Aileen Taliping )

TELETABLOID

Follow Abante News on