WebClick Tracer

PBBM sa paghihigpit sa pag-isyu ng visa sa Chinese: May nang-aabuso

May mga nang-aabuso sa paggamit ng visa kaya naghigpit ang gobyerno at binabantayan ang mga ito.

Ito ang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos matanong sa paghihigpit ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-iisyu ng visa sa mga Chinese na pumapasok sa bansa.

Ayon sa Pangulo, lumabas aniya sa report na nagagamit sa maling paraan ang mga inisyung visa kaya kinailangang maghigpit upang hindi magamit ang Pilipinas sa illegal na operasyon ng mga dayuhang nakapasok sa bansa.

Binigyang-diin ng Presidente na walang pinipili ang paghihigpit ng gobyerno nagkataon lamang aniya na maraming mga Chinese na nasa bansa ang nasasangkot sa illegal na gawain.

“Ang problema lang dahil maliwanag na maliwanag at lumalabas ang mga report na mayroong nag-aabuso nito kaya binabantayan namin,” anang Pangulo.

Dati-rati ayon sa Presidente ay hindi masyadong napapansin subalit kalaunan ay maraming naging problema dahil ang ibang dayuhan ay nakakakuha aniya ng mga pekeng dokumento at kung ano-anong illegal na aktibidad ang ginawa sa bansa tulad ng scamming, human trafficking at iba pa.

Marami aniyang problemang dala ang mga nabigyan ng visa lalo na ang mga manggagawa sa Philippine Overseas Gaming Operators (POGO) kaya naghigpit ang pamahalaan.

Isa pa sa tinukoy ng Pangulo ay ang pang-aabuso sa student visa ng mga Chinese kaya sisiguruduhin na walang espesyal na patakaran sa pag-iisyu ng visa sa kanit na kanino.

“Yung mga ganong klaseng— ito yung mga nakikita nating scammer, mga human trafficking, yun ang binabantayan namin. Kahit naman sino basta ginagawa Nila yan, huhulihin natin,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on