WebClick Tracer

PBBM nag-ikot sa Region 10, namahagi ng tulong sa mga biktima ng El Nino

Biyaheng Iligan City ngayong Huwebes si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at namahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng matinding tagtuyot dulot ng El Nino.

Sa kaniyang pagsasalita sa Iligan City, sinabi ng Pangulo na sinusuyod nito ang buong bansa upang maghatid ng tulong sa mga napinsala ng matinding tag-init at tagtuyot na epekto ng El Nino.

Kabilang sa mga tulong na inihatid ng Presidente sa Iligan City ay pondong tig-sampung libong pisong presidential assistance ng mga magsasaka at mangingisdang benepisyaryo bukod pa ito sa tulong na iniabot ng ibang mga ahensya ng pamahalaan bilang dagdag-tulong sa mga apektado ng pamilya.

“Kaya nga po ang ginagawa nation ngayon ay sinusuyod natin ang buong kapuluan upang maghatid ng tulong sa mga napinsala ng matinding tag-init at tagtuyot na nangyayari sa El Nino,” saad ng Pangulo.

Tiniyak ng Presidente na marami pa itong bibisitahing lugar at walang walang rehiyon na makakalimutan sa pagbibigay ng tulong at walang sektor na makakaligtaan.

Maaari aniyang gawin ang pagpapadala ng tulong sa mga miyembro ng kaniyang gabinete subalit nais ng Presidente na makita ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan na naapektuhan ng El Nino.

Sinabi pa ng Pangulo na patuloy itong mag-iikot sa Mindanao at sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masiguro ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa taongbayan. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on