WebClick Tracer

PBBM: Bamban, Tarlac Mayor Guo dapat lang maimbestigahan

Palaisipan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang biglang pagsulpot sa larangan ng politika ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaya dapat lamang na maimbestigahan ito dahil sa kaduda-dudang pagkatao.

Ayon sa Pangulo, kilala niya ang lahat ng mga pulitiko sa Tarlac at maging ang mga ito ay walang nakakilala sa alkalde kaya nagtataka sila kung saan nanggaling ito na bigla na lamang sumulpot sa lugar.

Matagal na aniyang naimbestigahan si Guo at marami rin ang nagdududa sa citizenship nito at kung paano ito tumakbo sa pagka-alkalde.

“Kilala ko lahat ng mga taga-Tarlac na politiko, walang may kakilala sa kanya. Kaya nagtataka kami kung saan nanggaling ito? bakit ganito ito? Hindi namin malaman,” anang Pangulo.

Aminado ang Presidente na hindi nabantayang mabuti ang pagpasok ng mga dayuhan sa bansa Kaya kailangang higpitan ang implementasyon ng batas upang hindi maulit ito.

Hindi inaalis ni Pangulong Marcos Jr. ang posibilidad na gumana ang pera at may nasuhulang taga-gobyerno kaya kasama ito sa mga inaalam ngayon ng Bureau of Immigration.

Kailangan aniyang bantayan mabuti ang mga pumapasok na dayuhan sa Pilipinas upang hindi mapasok ang bansa ng kung sino-sinong nagpapanggap na mga Pilipino.

“Hindi tayo nakabantay nang mabuti, yun ang naging problema. At siguro pinabayaan din ng mga iba. Kasi maraming pera yan, nagbabayad sila, nasusuhulan nila. kayat yun ang babantayan natin na hindi na mangyari uli yan,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on