WebClick Tracer

LGUs nagpapatayo ng mga dagdag na evacuation center para sa pagdating ng La Nina

Kumikilos na ang local government units para paghandaan ang posibleng epekto ng La Nina simula sa susunod na buwan o sa Hulyo sa pamamagitan nang pagtukoy at pag-update ng contingency plans o La Nina Action Plan at local hazard maps lalo na sa mga lugar na peligro sa landslides at malawakang pagbaha.

Sinabi ni DILG Undersecretary Marlo Iringan sa Bagong Pilipinas public briefing na sumasailalim na rin sa assessment ng mga LGU ang mga mahahalagang pasilidad at pagpapatayo ng mga dagdag pang evacuation centers sa mga lugar na wala sa high risk areas.

Ayon sa opisyal, hangga’t maaari ay hindi sila gagamit ng mga paaralan bilang evacuation centers upang hindi maabala ang pag-aaral ng mga estudyante kaya nagpapatayo ng mga dagdag na evacuation center ang mga LGU.

“Karamihan sa dating LGUs ay mayroon ng evacuation centers pero patuloy ang pag-construct ng mga evacuation center dahil ang isang lugar kung minsan ay nangangailangan ng hindi lang isa kundi dalawang at mga tatlong evacuation center,” saad ni Iringan.

Kabilang aniya sa mga unang ginawa ng LGUs bilang maagap na paghahanda sa pagpasok ng La Nina ay ang paglilinis sa mga estero at mga kanal upang mabawasan ang inaasahang matinding pagbaha kapag mayroong malakas na pagbuhos ng ulan. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on