WebClick Tracer

Comelec pinuri ng mga kongresista sa substitution decision

Pinuri ng mga kongresista ang Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa substitution dahil nag-withdraw ang isang kandidato kapag natapos na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).

Sa press conference nitong Huwebes, sinabi nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang naturang substitution ay nagpapababa sa integridad ng proseso ng halalan.

Ang pagbabawal umanong ito ang makababawas sa drama at surpresa.

“Wala na ‘yung surpre-surpresa, wala na ‘yung drama,” sabi ni Abante. “Kaya ang desisyon ng Comelec ay isang paalala na sa halalan, hindi dapat gamitin ang loopholes o mga paraan upang mag-manipulate.”

“Dapat alalahanin na ang integrity at transparency ay mahalaga sa tunay na demokrasya,” dagdag pa nito.

Ganito rin ang sinabi ni Adiong na iginiit na hindi dapat maging “circus” ang eleksyon.

“If you really have the intention to enter into public service and serve the people, you must also give the people, allow them to really know you, who you are, ano po ‘yung experience mo in public service para ma-scrutinize po nila kayo,” punto ni Adiong.

“Para magkaroon din po sila ng well-informed decision pagdating po ng election at hindi ‘yung magugulat na lang sila sa mga kandidato kasi bigla-bigla nalang nag-iiba ang mga mukha na nakikita nila,” dagdag pa nito.

Matatandaan na noong Nobyembre 2015, ang noon ay Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte ay nag-substitute kay Martin Dino, ang kandidato ng PDP-Laban sa pagkapangulo noong 2016 elections.

Si Duterte ay pinalitan naman ng kanyang anak na si Sara Duterte bilang kandidato sa pagka-mayor ng Davao City.

Noong 2021, ang noon ay Davao City Mayor Sara Duterte ay nag-substitute naman kay Lyle Uy bilang vice presidential candidate ng Lakas-Christian Muslim Democrats sa 2022 polls. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on