WebClick Tracer

Pekeng Chinese, Vietnamese doctors na nahuli sa Pasay sasampahan ng patong-patong na kaso

Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng mga naarestong Chinese at Vietnamese sa isang pekeng ospital sa Pasay City dahil sa pagpapanggap na mga manggagamot.

Ito ang inihayag sa Bagong Pilipinas public briefing ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Spokesman Dr. Winston John Casio matapos maaresto ang dalawang Vietnamese, isang Chinese fake doctors, pati na rin ang isang pharmacist at isang nurse na walang mga lisensiya pero umaaktong mga medical professional sa bansa.

Sinabi ni Casio na isang linggo nilang minanmanan ang nabanggit na hospital matapos makatanggap ng impormasyon na nanggagamot umano ang mga dayuhan.

Sa ginawang beripikasyon ay natuklasang walang permit ang mga ito mula sa Department of Health at may duda ang PAOCC na sa sinalakay na pekeng hospital dinadala ang mga Pogo worker na nagkakasakit o nangangailangan ng tulong medical.

“Mayroon pangamba na iyong mga POGO worker na nagkakasakit, o di kaya ay nababaril, kini-kidnap, tino-torture sa mga POGOs ay hindi pumupunta sa mga legal na hospital kung hindi pumupunta sa mga hospital na tulad nito,” ani Casio.

Kabilang sa mga kasong kakaharapin ng mga dayuhang pekeng mga duktor, pharmacist at nurse ay ang paglabag sa Philippine Hospital Act, walang lisensiya para mag-practice, paglabag sa Philippine Pharmacy Act, at pang-apat ay ang working visa ng mga suspect ay hindi para sa naturang clinic.

Sisilipin din aniya ng komisyon kung may import records ang mga nasamsam nilang medical equipments sa loob ng pekeng hospital. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on