WebClick Tracer

Paghihigpit ng DFA sa pag-iisyu ng tourist visa sa Chinese nationals, minimal lang epekto sa turismo

Walang nakikitang malaking epekto sa turismo ang paghihigpit ng Department of Foreign Affairs sa pag-iisyu ng tourist visa sa mga Chinese national.

Ito ang inihayag ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, matapos ianunsyo ng DFA ang paghihigpit sa pag-iisyu ng tourist visa sa mga Chinese.

Sa bagong Pilipinas public briefing, sinabi ni Sandoval na wala siyang nakikitang negatibong epekto dahil ang layunin ng DFA ay mapigilan ang pagpasok ng illegal aliens na posibleng mag-abuso sa iniisyung visa ng Pilipinas.

“Doon sa magiging implications nito, we see no major implications naman sa turismo nation kasi ang tinatarget talaga nitong pagbabagong ito is really those illegal aliens that might be attempting to abuse our visas to enter here to the country illegally,” saad ni Sandoval.

Sa katunayan ani Sandoval ay mas mapapanatag ang mga turista dahil alam nila na ligtas ang Pilipinas dahil mahigpit ang pag-iisyu ng visa sa mga pumapasok na mga dayuhan.

Ang hakbang aniya ng DFA ay malakas na depensa laban sa illegal aliens na posibleng mayroong ibang intensiyon sa pagpunta sa Pilipinas.

“Ito pong move ng DFA would really help na mas masala iyong foreign nationals na mag-a-attempt na pumasok sa bansa. So hindi na sila makakapag-attempt man lang to come here to the Philippines at masasala na sila doon pa lamang kung saan sila mag-aaply ng kanilang visas,” dagdag ni Sandoval.

Batay sa record ng Bureau of Immigration, nasa 3,300 foreign national ang hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas noong 2023. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on