WebClick Tracer

P30.5B school rehabilitation project ng DepEd inaprubahan ng NEDA

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang P30.5 billion Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project para sa rehabilitation at pagkumpuni ng mga pasilidad sa mga eskuwelahan na nasira ng mga kalamidad sa labas ng Metro Manila.

Ayon sa Presidential Communications Office, ang proyekto ay popondohan sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) loan mula sa World Bank, at ipapatupad ng Department of Education at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang proyekto na ipapatupad simula 2025 haggang 2029 ay kapapalooban ng repair, rehabilitation, retrofitting at rekonstruksiyon ng mga pasilidad sa mga paaralang napinsala ng mga kalamidad simula 2019 at 2023 sa labas ng National Capital Region.

Inaasahang pakikinabangan ito ng 1,282 na mga paaralan, 4,756 na schoolbuildings at 741,038 na mga mag-aaral.

Magiging bahagi ng ISRS project ang Project Management, Monitoring, and Evaluation na popondohan ng P1.1 billion mula sa inilaang pondo.

Layunin ng proyekto na gumawa ng mga matatag at matibay na mga silid-aralan upang masigurong tatagal ang mga ito at mabawasan ang mga abala sa pag-aaral. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on