WebClick Tracer

NIA tiniyak na may makukuhang supply para sa P29 kada kilo ng bigas sa Agosto

Makakaasa ang publiko na may pagkukunan ng supply sa ipinangakong P29 kada kilo na presyo ng bigas sa buwan ng Agosto.

Ito ang tiniyak sa Bagong Pilipinas public briefing ni Administrator Eduardo Guillen ng National Irrigation Administration sa harap ng pagdududa ng ilang grupo na baka ningas kugon lamang ito pagsapit ng Agosto.

Ayon kay Guillen, inaasahan ng ahensya na makakapagbigay ng 100,000 kilogram ng bigas pagdating ng Agosto o katumbas ng 10,000 sako ng palay na maibebenta sa outlets ng Kadiwa ng Pangulo.

“May contract farming po ang NIA ngayon, around 40,000 hectares. So ang expected nation na output po nation dito is more than 100,000 kilograms of rice. So kapag ten kilograms per sack ay mga 10,000 sacks ano po, ” saad ni Guillen.

Ang P29 pesos kada kilo ng bigas ayon sa opisyal ay inisyatiba ng irrigators association bilang pasasalamat sa tulong ng gobyerno sa kanilang sektor partikular ang mga kagamitang pansaka at rice processing systems na ibinigay sa kanilang sektor.

Sinabi ni Guillen na ang supply na ibebenta sa Agosto sa murang presyo ay mula sa contract farming agreement kung saan tuturuan ang mga magsasaka na maging entrepreneur at sila na rin ang magproseso ng kanilang palay pati na sa rice processing system.

Tiniyak ng opisyal na pagkatapos ng Agosto ay masusundan pa ang pagbebenta ng murang bigas dahil ang mapagbebentahan ay ni-invest ulit para mas marami ng mga Pilipino ang makinabang sa murang bigas. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on