WebClick Tracer

Mga senador hinimok pansinin panukalang amyenda sa rice tariff law

Hiniling ng mga kongresista sa mga senador na aksyunan ang panukala na mag-aamyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong mapababa ang presyo ng bigas.

Sa isang press conference ngayong Miyerkoles, sinabi ni House Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez na kailangang pumasok ng gobyerno upang matugunan ang labis na pagtaas sa presyo ng bigas.

“Ngayon, kung walang government intervention tayong gagawin, that will serve as some sort of competition to the traders and the importers of rice. There won’t be a regulatory function or a balancing activity to be done by government,” paliwanag ni Suarez.

Sa ilalim ng panukala, muling bibigyan ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas sa panahon ng emergency gaya ng kung mayroong kakulangan sa suplay sa mg palengke.

Nagpahayag ng pagtutol sa panukala ang ilang senador dahil sa mga nakaraang alegasyon ng korapsyon sa NFA.

“I totally understand where the senators are coming from given the recent reputation of certain NFA officials, but let’s not forget this is not an issue of corruption but rather an issue of food security and price of rice,” sabi ni Suarez.

“Pagdating naman po sa corruption at mga alleged anomalies na nangyari sa NFA, I’m sure the proper agencies of the government can look into this, can persecute them to put them behind bars,” dagdag pa nito.

Pinapalawig din ng panukala ang validity period ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng anim pang taon at itinataas ang taunang pondo nito sa P15 bilyon mula sa P10 bilyon.

Target ng Kamara na aprubahan ang panukala sa ikatlong pagbasa bago ang sine die adjournment sa susunod na linggo.

Iginiit naman ni House Deputy Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre ang kahalagahan na magkasundo ang Kamara at Senado upang matugunan ang isyu ng mataas na presyo ng bigas na lubhang nakakaapekto sa mga mahihirap na pamilya.

“Palagi po nating naririnig ang mga kaibigan natin sa Senado na paulit-ulit, sinasabi po nila na ang mga problema ng ating bansang dapat bigyan ng solusyon ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na ng bigas,” sabi ng solon.

“I think the passage of the RTL especially on the part of the Senate is an important step for them to prove na sila din ay kaisa sa paggawa ng solusyon,” dagdag pa ni Acidre.

Sinabi naman ni House Committee on Muslim Affairs chairperson at Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo na ang pag-amyenda sa RTL ay alinsunod sa pagnanais ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mabalanse ang suporta sa mga magsasaka at maging abot-kaya ang presyo ng bigas.

“What I believe our leadership here in the House is trying to do is to balance things out, make sure that the farmers are not negatively affected and at the same time also ensure that the price of rice is affordable for our countrymen,” sabi ni Dimaporo.

“I think the amendments that are being introduced to the plenary is exactly what our President wants—make price affordable and make the price of rice controllable,” dagdag pa nito.

Kung ayaw umano ng Senado na muling makapag-import at makapagbenta ng bigas ang NFA, dapat itong magbigay ng mas magandang alternatibo. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on