WebClick Tracer

BI itinangging may sindikato sa pagbibigay ng visa sa mga dayuhang estudyante

Walang nakikitang anomalya ang Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng student visa sa mga dayuhang estudyante na nakapasok sa Pilipinas gamit ang tourist visa.

Ito ang inihayag sa Bagong Pilipinas public briefing ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration bilang tugon sa pahayag ni Congressman Ace Barbers na inaabuso umano ang Executive Order na nagbibigay-kapangyarihan sa ahensya para i-convert ang tourist visa sa student visa.

Ayon kay Sandoval, nagpulong noong Lunes ang inter-agency kasama ang Commission on Higher Education at batay sa assessment, walang nakitang anomalya sa pag-iisyu ng visa dahil bahagi ito ng regular processing ng Bureau of Immigration.

“Tiningnan po nation on the ground yung mga naiisyu na visa, wala naman po tayong nakitang kakaiba or anomalya doon sa pag-iisyu ng visa,” saad ni Sandoval.

Ipinaliwanag ng opisyal na mayroong dalawang options sa pagkuha ng student visa para makapag-aral sa Pilipinas, una ay mag-apply sa Philippine embassy kung saan bansa man sila naroon kasama ang kumpletong dokumentasyon at pangalawang option ay maaaring pumasok sa bansa bilang turista at i-convert ito sa student visa hindi bilang walk-in applicant kundi ang eskuwelahan o unibersidad ang mag-aaply ng student visa para sa mga dayuhan.

Sinabi ni Sandoval na dumadaan sa inspection, validation at petisyon ng mga paaralan ang aplikasyon ng dayuhan bago maisyuhan ang mga ito ng student visa.

“Their school must be the one who applies for these students. Ito pong paaralan na ito ay kailangang accredited ng CHEd, also ng BI at dumaan sa inspections bago mabigyan ng approval,” dagdag ni Sandoval.

Batay sa record ng BI, mahigit 24,000 ang naisyuhan ng student visa na mga dayuhan noong 2023, karamihan ay Chinese nationals na mahigit 16,000 student visas; ang iba ay Indians; Nigerians; Koreans at Americans. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on