WebClick Tracer

Romualdez pinulong mga ahensya para paghandaan La Niña

Pinulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang paghandaan ang La Niña na inaasahang magdudulot ng pagbaha sa bansa.

“We are here with you, tell us what you need to ensure we are sufficiently prepared for La Nina. We are here to support you,” sabi ni Romualdez sa mga opisyal na dumalo sa pagpupulong.

Dumalo sa pulong sina Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Science and Technology Secretary Renato Solidum, Jr., Environment Secretary Maria Antonio Yulo Loyzaga, at Metropolitan Manila Development Authority Gen. Manager Procopio Lipana. Nasa pulong din si Interior and Local Government Undersecretary Lord Villanueva.

Ipinatawag ni Romualdez ang mga opisyal matapos na sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pangangailangan na maging handa upang mapangalagaan ang buhay at mga komunidad.

“We pledged all-out support of the House to all the concerned departments and agencies to ensure anti-flood initiatives, including dredging activities, are properly implemented promptly,” sabi ng lider ng Kamara.

Umapela rin si Romualdez sa publiko na makiisa sa ginagawang paghahanda ng mga otoridad at tumulong sa simpleng paraan gaya ng tamang pagtatapon ng basura.

“Dapat naman po sumunod tayo sa mga protocols dito sa paglilinis at pagtatapon ng basura dahil napaka importante po na maayos ang ating mga areas kung saan tayo nakatira para maganda ang daloy ng tubig pag malakas ang ulan,” sabi pa ng lider ng Kamara.

Umapela rin si Romualdez sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na ipatupad ang kani-kanilang anti-flood measures.

Sinabi ni Romualdez na mayroong epekto sa ekonomiya ang pagbaha mula sa maliliit na negosyo hanggang sa supply chain ng bansa, na magreresulta sa kabawasan sa produksyon, pagkasira ng ari-arian, at dagdag na gastos sa pagbangon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on