WebClick Tracer

Gobyerno nanawagan sa China: Igalang mga barkong sibilyan na maglalayag sa Bajo de Masinloc

Nanawagan ang gobyerno sa China na igalang ang civilian mission ng gupong Atin Ito Coalition para mamahagi ng tulong at donasyon sa mga mangingisdang nasa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng ulat na magpapadala umano ang China ng malaking puwersa para harangin ang civilian mission na maglalayag sa West Philippine Sea.

Sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na pasok pa rin sa 200 nautical miles exclusive economic zone ang pupuntahang lugar ng civilian mission kaya dapat na igalang ito ng China.

“Ang pakiusap na lang natin sa People’s Republic of China ay igalang nila iyong paglalayag nitong mga barkong ito kasi they’re civilians; they are not in any way connected to the government,” saad ni Malaya.

Hiniling ng opisyal ang dasal ng sambayanan na sana magtagumpay ang misyon ng grupo at maayos na makapaghatid ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc at huwag gawin ng China ang ano mang binabalak nila.

Sinabi ni Malaya na nakipag-ugnayan na ang Atin Ito coalition sa Philippine Coast Guard para mabantayan sila sa kanilang paglalayag at inaayos na ang protocol para dito.

“Sa ating mga kababayan, ipagdasal natin iyong success ng mission na ito. It’s a civilian mission and sana igalang ng Tsina iyong ganitong klaseng nature nitong civilian mission na ito at huwag naman nilang gawin kung anoman iyong pinaplano nila,” dagdag ni Malaya. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on