WebClick Tracer

40 million Pinoy walang access sa malinis na tubig, pinatutukan ni PBBM

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na tutukan ang pagbibigay ng malinis na tubig sa tinatayang 40 milyong Pilipino.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa ipinatawag na sectoral meeting nitong Martes matapos mabatid na marami pang mga Pilipino ang walang nagagamit na malinis na tubig.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Carlos David na inatasan sila ng Pangulo kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan na mabigyan ng access sa malinis na tubig ang nabangit na bilang ng mga Pilipino.

Sinabi ng opisyal na ang mga lugar na natukoy na walang malinis na tubig ay mga komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga malalayong isla.

Sinabi ni David na kalimitang kinukuha pa sa mga bukal, sapa at pati na sa tubig ulan ang tubig na ginagamit ng 40 milyong mga Pilipino kaya nais ng Presidente na matutukan agad ito para mabigyan ng malinis na tubig ang mga ito.

“By far, most of them are in Mindanao. A lot of communities in BARMM still do not have access to a formal water supply,” saad ni David.

Sinabi ng opisyal na mayroon na silang naiisip na mga istratehiya para mabigyan ng malinis na tubig ang mga natukoy na komunidad sa Mindanao. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on