WebClick Tracer

Philip Salvador tatakbong Senador sa 2025 Midterm Elections

Sasabak na rin sa pagka-senador ang aktor na si Philip Salvador sa darating na 2025 Midterm Elections.

Nitong Biyernes, Abril 19, inanunsiyo na ni Salvador na tinanggap niya ang nominasyon ng PDP political party.

“Tinatanggap ko ang aking nomination para sa 2025 senatorial election,” saad ni Salvador.

Nangako si Salvador na maghahatid ng mahusay na serbisyo publiko na nakita niya raw mismo kung paano inilapit ng kaibigang Senador na si Christopher “Bong” Go at iba pang politiko ang gobyerno sa mga tao.

“Mananatili ako sa PDP hanggang sa huli kong hininga. Tandaan ninyo. Maraming salamat po. Ako po si Philip Salvador, hindi po ako abogado, hindi po ako doctor, hindi po ako engineer, ako po’y isang artista ng PDP na magiging epektibong magserbisyo sa mga Pilipino,” aniya pa.

Nagpulong sa Cebu City ang partido politikal na pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagdiriwang ng ika-42 anibersaryo at pagpupulong ng pambansang konseho.

Makakasama ni Salvador sa PDP slate sina reelectionist Senators Go, Ronald “Bato” dela Rosa at Francis Tolentino.

Sa nasabing pulong din, inalis na ang “Laban” sa dating political party na PDP-Laban. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on