WebClick Tracer

Swak na sa Final 4! Caitlin Clark, Iowa nakabawi sa LSU

Bumuhos ng 41 points ang college star na si Caitlin Clark para maipasok sa Final 4 ng Women’s NCAA basketball tournament ang Iowa Hawkeyes matapos talunin ang Louisiana State University, 94-87, noong Lunes.

Tuloy-tuloy ang historic na career ni Clark na all-time top scorer ng collegiate basketball sa US mapa-men’s o women’s nang bumawi sa LSU na tumalo sa kanila noong finals ng huling tournament.

Huling season na ni Clark bago maging pro at nagpukol siya ng siyam na tres para tuluyan ibaon ang LSU at star nito na si Angel Reese.

Tabla ang laban papasok ng third quarter 45-45 pero dito na nag-init si Clark kung saan madami siyang ala-Steph Curry na tres mula sa logo kung saan walang naging sagot ang LSU.

Hindi lang sa scoring tumulong si Clark dahil nag-ambag din siya ng 7 rebounds at 2 steals habang sinetup din niya mga kakampi niya sa 12 assists.

Si Reese naman ay kumana sa ilalim para sa LSU na may 17 points, 20 rebounds, at 3 blocks pero hindi niya kinaya mapigilan ang gabi ni Clark na mistulang destino ang kampeonato.

Sunod na makakalaban ng Iowa ang University of Connecticut na nanaig kontra University of Southern California. (Miguel Dumlao)

TELETABLOID

Follow Abante News on