WebClick Tracer

Panelo: Nagpapakalat na pumasok si Duterte sa ‘gentleman’s agreement’ sinungaling

Tinawag ni former presidential spokesperson Salvador Panelo na sinungaling at gusto lamang ng publicity ang nagpapakalat na may “gentleman’s agreement” si ex-President Rodrigo Duterte sa China.

Kaugnay ito sa kumakalat na balita na pumasok umano sa isang kasunduan si Duterte sa China upang alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

“Kung sinuman nagkakalat na may gentleman’s agreement, iyon po ay nagsisinungaling,” wika ni Panelo sa panayam sa SMNI.

“Baka gusto lang nu’n ng publisidad sa sarili niya,” dagdag pa niya.

Wika pa ni Panelo, dalawang beses niyang nakausap ang dating Pangulo nitong Holy Week kung saan sinabi raw nito sa kanya na, “I have not entered into any gentleman’s agreement whatsoever. I’ve been avoiding that Ayungin Shoal like a hot potato kasi alam ko na mainit ‘yang topic na ‘yan kaya wala akong pinagkakasunduan kahit kanino.”

Matatandaang sa panayam ng “Politiskoop” noong Martes, Marso 26 inamin ng dati ring presidential spokesperson na si Harry Roque, na mayroong kasunduan ang Duterte admin sa China tungkol sa BRP Sierra Madre.

“Hindi po siya secret deal. Iyan po ay talaga namang sinapubliko naman po ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, na ang kasunduan nila status quo,” wika ni Roque.

“Walang gagalaw, walang maggagawa ng kahit anong improvements at walang magiging problema. Pagdating po sa Ayungin ang usapan talaga dahil dito sa status quo agreement ng Pilipinas at ng China sa panahon ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin doon sa Sierra Madre. Pero ang reklamo ng China ngayon ay taliwas doon sa naging kasunduan nu’ng nakaraan… nagdadala sila ng mga repair equipment para ayusin ang Sierra Madre kaya ganyan ang naging reaksiyon ng China,” patuloy pa niya.

Tingin daw ni Roque, kung patuloy pang magpapadala ng construction at repair materials sa BRP Sierra Madre ay maaaring lalo pang maging agresibo ang China.

Nilinaw naman ni Roque, na ang kasunduang tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin ay nangyari sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada at hindi ni Duterte. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on