WebClick Tracer

Magkapatid na ‘fixer’ nahawla sa QC

Timbog sa ikinasang anti-fixing operation malapit sa Central Office ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City ang magkapatid na babae.

Nahaharap sa kasong swindling/estafa at nakakulong na sa QC Police District Station 10 ang dalawang inaresto na sina Teresita at Kathleen Joy dela Cruz, kapwa residente ng Tondo, Maynila.

Nag-ugat ang pagsakote sa magkapatid matapos isuplong ng isang 26-anyos na lalaking biktima.

Nagpatulong umano sa magkapatid ang biktima upang makakuha siya ng non-professional driver’s license sa halagang P6,800 noong Marso 8.

Ngunit halos isang buwan matapos mabayaran, humingi ng panibagong P1,300 ang magkapatid sa biktima.

Dito na nagpasya ang biktima na humingi ng tulong sa pulisya.

Bandang alas-2 ng hapon noong Lunes, Abril 1 nadakip ang magkapatid na Dela Cruz ng pinagsanib na puwersa ng LTO at QCPD Station 10 sa Barangay Pinyahan, Quezon City.

TELETABLOID

Follow Abante News on