WebClick Tracer

Vice Ganda lubos pasasalamat sa GMA

Emosyonal na nagbigay ng mensahe ang komedyante at TV host na si Vice Ganda sa katatapos lamang na contract signing ng ABS-CBN at GMA sa pag-ere ng noontime show na “It’s Showtime” sa huli.

Sa kanyang speech, nagpasalamat siya sa lahat ng bumubuo ng GMA network sa mainit na pagtanggap sa kanila.

Sinabi niya rin na lagi niyang ipinagmamalaki na mabait ang mga taga-GMA at maayos kausap ang mga ito.

“Infairness ang babait ng mga taga-GMA,” saad niya.

Mangiyak-ngiyak din siyang ilahad ang tulong na ibinigay ng GMA sa kanila sa panahong lugmok na lugmok ang ABS-CBN.

“Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat kung gaano kasadsad, isinadsad ng Kapamilya pero naririyan kayo hindi para tapakan kami at saktan pa sa panahong sadsad na sadsad kami. Inialay niyo ang mga kamay niyo sa amin para unti-unti kaming makabangon,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Hinding hindi po namin yan makakalimutan pati na rin ng lahat ng kapamilya sa buong mundo,”

Nagpapasalamat din ang “Unkabogable star” sa oportunidad na bigyan sila ng bagong tahanan sa piling ng GMA.

“Hindi niyo lang kami tinutulungan makatayo, pinagbuksan niyo pa kami ng tahanan para doon muling magpalakas, magpagaling, magpahilom at makatinding ulit kapiling kayo,” ani pa ni Vice.

Matatandaan na umere sa GTV na subsidiary ng GMA Inc. ang noontime show noong Hulyo 2023 at ngayong April 6 nga, tuluy tuloy na ang pagbibigay saya sa mas malaking platform para sa madlang pipol. (VP)

TELETABLOID

Follow Abante News on