WebClick Tracer

Mga Australyanong negosyante hinikayat na magnegosyo sa Pilipinas

Inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga negosyante sa Australia na ikonsidera ang paglalagak ng puhunan at magnegosyo sa Pilipinas kung saan ipinagmalaki na magandang destinasyon ang bansa para sa industriya ng manufacturing at services.

Sa kanyang talumpati sa Philippine Business Forum sa Melbourne nitong Lunes ng umaga, sinabi ng Pangulo na magandang pagkakataon at oportunidad ito para sa malaking kooperasyon ng dalawang bansa sa aspeto ng climate change at energy transition.

“I invite esteemed Australian businesses to consider the Philippines as a reliable partner that can support your expansion and operations. Let us embark on a journey of strengthened economic ties, mutual growth and shared success,” anang Pangulo.

Tiniyak ng Pangulo sa mga negosyante na susuportahan sila ng kanyang economic team sa proseso nang pagbubukas ng negosyo sa Pilipinas hanggang sa lumago ito partikular sa mga ipinatupad na reporma ng gobyerno sa pagnenegosyo.

Tinukoy dito ng Presidente ang batas na ” Ease of doing business” at ang itinatag na green lanes na nagpapadali sa mga proseso ng pagnenegosyo.

“The members of my economic team will provide the support needed by your businesses for investment to continuously grow and prosper,” dagdag ng Pangulo.

Binanggit din ni Pangulong Marcos Jr. sa forum ang pagsasabatas ng tatlong priority bills ng kanyang administrasyon– ang mga ito ay ang Public Private Partnership Code of the Philippines; ang Internet Transactions Act; at ang Tatak Pinoy Act na malaking tulong sa pamumuhunan at negosyo.

Umaasa ang Presidente na sa pamamagitan ng mga nilagdaang business deals sa forum ay magbubunga ng mas malakas at masaganang ekonomiya para sa Pilipinas at Australia.

TELETABLOID

Follow Abante News on